Aabot sa 57 bagong kaso ng HIV ang naitatala araw-araw sa Pilipinas, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa sa pagdinig ng budget ng Department of Health (DOH) para sa 2026.
Sa bilang na ito, halos 30% ay mga indibidwal na wala pang 18 taong gulang.
Ayon kay Herbosa, ito na ang pinakamalaking outbreak ng HIV sa kasaysayan ng bansa at isang seryosong krisis sa kalusugan, lalo na sa hanay ng kabataan.
Binanggit ni Rep. Perci Cendaña na tinatayang P16 bilyon ang kakailanganin sa 2026 para sa pagpapatupad ng AIDS Medium Term Plan — P7B para sa prevention, P3B para sa testing, at P5B para sa treatment.
Giit niya, kung walang sapat na pondo, lalo pang lalala ang tinatawag niyang “youth epidemic.”
Nilinaw naman ni Herbosa na bagama’t hindi nakalinya sa National Expenditure Program ang pondo para sa HIV, nakapaloob ito sa mga benepisyo ng PhilHealth.
Samantala, nilinaw rin ng DOH na patuloy ang suporta mula sa mga international partners gaya ng US President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR), kahit naantala ang ilang programa.
Sa kabila nito, umapela ang DOH ng mas agarang aksyon matapos maitala ang 500% pagtaas ng HIV cases sa kabataan.
Umabot na sa 148,831 ang kabuuang bilang ng HIV cases sa bansa hanggang Hunyo 2025, habang 5,101 bagong kaso ang naitala sa unang bahagi ng taon pa lamang.