Iniulat ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) sa Soccsksargen ang isang kumpirmadong kaso ng Monkeypox (Mpox) sa Cotabato province at dalawang hinihinalang kaso sa South Cotabato province.

Ayon sa Cotabato Integrated Provincial Health Office (IPHO) na pinamumunuan ni Dr. Eva Rabaya, ang kumpirmadong kaso ay isang 30-anyos na lalaki mula sa bayan ng Tulunan.

Sinabing Clade II variant ang naturang kaso, na kabilang sa mababang panganib.

Ang pasyente ay nasa maayos na kalagayan, naka-isolate, at aktibong nakikipagtulungan sa contact tracing ng mga awtoridad.

Samantala, sa South Cotabato, dalawang hinihinalang kaso ang sinusubaybayan, ayon kay Eldon Hans Serame ng IPHO.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga sample mula sa dalawang pasyente ay ipinadala na sa RITM para sa kumpirmasyon.

Isa sa kanila ay mula sa kalapit na probinsya ngunit sa South Cotabato nagpakonsulta, habang ang isa ay may travel history bago nagkaroon ng sintomas.