
Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 14 sa Baybay City, Leyte ang kasong murder laban kay Albuera Mayor Kerwin Espinosa at dalawa pang akusado kaugnay sa pamamaslang sa isang lalaki sa pampublikong pamilihan noong 2024.
Sa 37-pahinang resolusyon na may petsang Marso 31, 2026, sinabi ng korte na walang sapat na probable cause upang ituloy ang kaso laban kina Espinosa, Eddie Mar Demingoy Mitra na kilala rin bilang Rico Francisco, at Marcelo Adorco na kilala bilang Loloy.
Ang kaso ay may kinalaman sa pagpatay kay Aldrin Tano, alyas Watari, sa isang public market sa Baybay City, Leyte noong Setyembre 4, 2024.
Ayon sa resolusyon na isinulat ni Presiding Judge Carlos Arguelles, walang sapat na batayan upang idiin ang tatlong akusado, lalo na sa usapin ng admissibility ng ebidensiya sa isinagawang preliminary investigation.
Gayunman, tinukoy ng korte na si Ronald Bulak at isang hindi pa nakikilalang kasama ang posibleng responsable sa krimen at dapat harapin ang paglilitis.
Iniutos ng korte ang paglabas ng warrant of arrest laban kay Bulak na walang inirekomendang piyansa. Wala namang inilabas na warrant laban sa umano’y kasabwat nito dahil wala pang naisampang kaso laban sa kanya.
Nauna nang sumuko si Espinosa sa National Bureau of Investigation sa Cebu noong Pebrero matapos siyang masangkot sa naturang kaso. Kalaunan ay pinalaya rin siya mula sa Cebu City Jail matapos magpasya ang korte na wala itong hurisdiksyon sa kaso.










