Tumataas ang kaso ng tuberculosis sa Lambak Cagayan, batay sa ulat ng Department of Health.
Sinabi ni Dr. Janet Ibay, infectious disease cluster head ng DOH-RO2, pumalo sa 8,481 ang naitalang kaso ng TB sa rehiyon mula January hanggang July 2024.
Pinakamarami sa mga nahawaan ng sakit ay edad 55-anyos pataas kung saan karamihan sa mga ito ay kalalakihan.
Aniya, bahagya lamang na bumaba ang kaso ng TB sa rehiyon dos noong panahon ng pandemya dahil sa naging limitado ang access sa health facilities ng publiko at marami ang inuubo noon na hindi nagpasuri dahil takot na ma-quarantine kung nagpositibo sa covid 19.
Muling dumami ang naitatala dahil sa puspusan ang pagsasagawa ng pagsusuri ng ahensiya para mahanap ang mga positibo sa naturang karamdaman para ito ay maagapan
Malaking factor naman sa pagkakaroon ng TB ng isang tao ay ang paninigarilyo.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Tuberculosis Day, ipinaliwanag ng DOH na ang tuberculosis ay isang seryosong sakit na nakakaapekto sa baga at maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon kung hindi maagapan.
Kaya naman ipinayo ang regular na pagsusuri at maagap na paggamot upang mapanatili ang kalusugan ng ating baga at maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Nabatid na ilan sa karaniwang sintomas ng TB ay matagal na ubo, pananakit ng dibdib, pagkapagal, lagnat at pagbaba ng timbang.
Ayon sa DOH na ang tb ay hindi lamang isang isyung pangkalusugan ng bansa kungdi isa rin itong socioeconomic problem dahil naaapektuhan nito ang mas maraming marginalized populations sa mga low-resource settings.