
Kaya umanong kubkubin ng Estados Unidos ang Kharg Island sa Iran kung gugustuhin na gawin ito.
Sinabi ito ng White House matapos na ihayag na plano ng administrasyon ni US President Donald Trump na sakupin o harangan ang nasabing isla na oil hub ng Iran.
Batay sa report, balak ni Trump na maglunsad ng operasyon sa Kharg upang ma-pressure ang Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz, ang mahalagang shipping lane na hinaharangan ng Tehran.
Kasabay ito ng pagtatalaga ng US ng karagdagang Marines sa Middle East, na posibleng senyales ng ground operation sa ikatlong linggo na ng US-Israel war sa Iran.
Sinabi ni White House Principal Deputy Press Secretary Anna Kelly na kayang kubkubin ng US military ang Kharg Island kung ipag-uutos ito ni Trump.
Naparalisa ang commercial shipping sa Strait, na nagbubunsod ng pagtaas sa presyo ng langis sa mundo buhat nang magsimula ang giyera noong Pebrero 28.
Una rito, sinabi ni Trump na naging matagumpay ang pagsira sa military targets sa Kharg, at nagbabala na pupuntiryahin ang infrastructures ng Iran kung patuloy ang pagharang sa Strait of Hormuz.










