Nahuli ng mga kawani ng Municipal and Community Environment and Natural Resources office (MENRO)sa Solana, Cagayan ang isang makamandag na King Cobra kasama ang mga itlog nito sa kabahayan sa Zone 4 Barangay Magalalag West, Enrile, Cagayan.
Nakita ng mga residente ang naturang ahas matapos nitong atakehin at patayin ang isang aso at mga tuta kaya agad itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Kaagad namang rumesponde si Val Casauay at Roldan Fieror mula sa Conservation and Development Section ng CENRO-Solana kasama ang mga kawani ng MENRO at agad na hinanap ang ahas.
Sa paghalughog ay nakita nila ang Luzon King Cobra (Ophiophagus Salvatana) at 50 na itlog nito.
Agad naman itong naipasakamay sa RBB Nature Park and Wildlife Center sa Tuguegarao City para sa rehabilitasyon at disposisyon.
Ang Luzon King Cobra ay protected species sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Ito ay maaaring lumaki sa habang hanggang 10 talampakan.
Ang Luzon king cobra ay matatagpuan lamang sa Luzon at isa sa mga species ng king cobra na matatagpuan sa bansa, kung saan ang isa ay ang Sunda king cobra.
Matatandaan na isa ring King Cobra ang nahuli sa bayan ng Solana noong nakaraang taon.
Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa publiko na kapag nakakita ng King Cobra o iba pang wildlife, ipaalam ito sa mga awtoridad para masagip at maiwasan ang anomang panganib.