
Muling hiniling ni Veronica “Kitty” Duterte sa Korte Suprema na aksyunan na ang nakabinbing mga petisyon kaugnay sa pagbabalik sa Pilipinas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court o ICC.
Sa 13-pahinang mosyon, iginiit ni Kitty na mahigit 14 na buwan na ang lumipas ngunit wala pa ring konkretong aksyon ang Korte sa kaso, na aniya ay lumalampas na sa makatwirang panahon.
Ayon pa sa kanya, ang patuloy na hindi pag-aksyon ay umano’y nakakasira sa tiwala ng publiko sa hudikatura at maaaring magdulot ng de facto suspension ng karapatan sa kalayaan na pinoprotektahan ng Saligang Batas.
Noong Marso 2025, inaresto si dating Pangulong Duterte sa bisa ng warrant mula sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa mga pagkamatay sa ilalim ng war on drugs. Kasalukuyan siyang nakakulong sa The Hague.
Kasama ni Kitty ang kanyang mga kapatid na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa hiwalay na mga petisyon sa Korte Suprema upang ipabalik ang kanilang ama sa bansa.
Binanggit din niya ang isang resolusyon ng Senado na umano’y sumusuporta sa pagprotekta sa mga Pilipino laban sa extrajudicial rendition.
Giit pa ni Kitty, ang mga naganap na tensyon sa Senado kamakailan ay bunga umano ng hindi pag-aksyon ng Korte sa naturang mga petisyon.
Patuloy namang nasa ilalim ng protective custody ng Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa habang may kaugnayan din ito sa hiwalay na usapin ng ICC warrant laban sa kanya.










