Aminado ang impeachment court spokesperson na si Regie Tongol na hindi pa naitatatag ng House prosecution panel ang ugnayan ng kabuuang ₱612.5 milyong cash withdrawals ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa confidential funds.

Ayon kay Tongol, nakabatay lamang sa personal na kaalaman ng mga testigong sina dating LandBank branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano ang kanilang testimonya kaugnay ng pag-withdraw at pag-encash ng mga tseke. Aniya, kapwa nilang sinabi na wala silang kaalaman na para sa confidential funds ang naturang mga transaksyon.

Gayunman, sinabi ni Tongol na inaasahang magpapakita pa ang House prosecution ng mga karagdagang testigo, kabilang ang mga eksperto sa intelligence at confidential funds, upang maipakita ang ugnayan ng mga cash withdrawals sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.