Gagamit na ang Supreme Court o SC ng terminong “victim-survivor” para tukuyin ang mga taong nakaranas ng sexual violence, kasabay ng pag-uphold sa hatol na guilty sa isang lalaking nanggahasa sa kanyang 12-anyos na stepdaughter.

Sa 15-pahinang desisyon ng SC Third Division, sinabi nitong kinikilala ng naturang termino ang pinsala at pagdurusang dinanas ng biktima habang binibigyang-diin ang kanyang dignidad, katatagan at kakayahang makabangon mula sa karanasan.

Pinagtibay rin ng Korte Suprema ang reclusion perpetua na sentensiya laban sa akusado at inatasang magbayad ng kabuuang P450,000 na civil indemnity, moral damages at exemplary damages sa victim-survivor.

Inatasan din ng SC ang Department of Social Welfare and Development na i-refer ang victim-survivor sa angkop na rape crisis center para sa kinakailangang psychological counseling, medical assistance at iba pang suporta para sa kanyang recovery.