
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na baligtarin ang naging desisyon ng isang departamento ng Commission on Elections (Comelec) na naglinis kay Senator Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y P30 milyong campaign donation mula sa isang contractor.
Sa abisong may petsang Hunyo 3, sinabi ng Korte Suprema na ibinasura ang petisyon na inihain ng guro na si John Barry Tayam noong Disyembre 2025 dahil maling legal na remedyo ang ginamit nito. Noong Marso, tinanggap ng Korte Suprema ang naturang petisyon para sa pagtalakay.
Matatandaang inirekomenda ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Comelec na itigil ang imbestigasyon kina Escudero at Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc. Ayon sa PFAD, magkaibang legal na entidad ang contractor at ang kaniyang kumpanya kaya wala silang nilabag na probisyon ng Omnibus Election Code.










