
Inatasan na ng Korte Suprema ang mga kumpanyang kumukuwestiyon sa pagpapatupad ng P85 dagdag sa minimum wage sa Metro Manila na magsumite ng kanilang komento sa petisyon na inihain laban sa mga kautusang humarang sa wage increase.
Ayon sa SC, binigyan nito ng 10 araw mula sa pagtanggap ng notice ang Readycon Trading and Construction Corporation, R-II Builders, Inc., at Alliance of Philippine Fishing Federations, Inc. upang tumugon sa petition for certiorari and prohibition na inihain ng Kamanggagawa Party-list at iba pa.
Hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang mga kautusan ng Regional Trial Court sa Pasig City at Navotas City na nagresulta sa pansamantalang hindi pagpapatupad ng P85 dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region.
Inatasan din ng SC ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission na magsumite ng kanilang komento sa naturang petisyon.










