Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na laganap din ang korupsiyon sa hudikatura, hindi lamang sa ehekutibo at lehislatibo.

Binanggit ni Remulla ang fertilizer fund scam kung saan napawalang-sala ng Sandiganbayan si dating DA Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante sa kasong plunder. Ayon sa Ombudsman, madalas umanong nakakahanap ng mga dahilan ang Sandiganbayan upang maabsuwelto ang mga akusado.

Ibinunyag din ni Remulla na may mga abogado umanong naglo-lobby ng mga kaso sa loob ng hudikatura. Hinikayat niya ang publiko na bantayan ang mga hukom at mahistrado.

Tinalakay rin niya ang mga kaso sa PDAF scam kung saan napawalang-sala sina dating senador Juan Ponce Enrile, Jessica Lucila “Gigi” Reyes, at Janet Lim-Napoles. Giit ni Remulla, hindi mahina ang ebidensiyang inihain ng Office of the Ombudsman.

Samantala, sinabi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na may mga mekanismo na ang Korte Suprema upang labanan ang korupsiyon sa hudikatura, kabilang ang Judiciary Integrity Board.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi rin sang-ayon ang IBP sa pahayag na “matindi” ang korupsiyon sa hudikatura, at iginiit na ang mga desisyon ng korte ay nakabatay sa ebidensiya at batas.

Inanunsyo naman ni Remulla na magdadagdag ng 20 bagong abogado ang Office of the Ombudsman para sa prosekusyon at litigasyon bago ang Enero 15.