Iginiit ng Philippine National Police o PNP na hindi dapat ibatay lamang sa mga nagaganap na insidente sa Metro Manila ang kabuuang sitwasyon ng kriminalidad sa bansa, kasabay ng pagkilala sa pangamba ng publiko bunsod ng ilang mataas na profile na krimen nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allan Rae Co, ang naitalang 20.6 porsiyentong pagbaba sa mga focus crime ay batay sa paghahambing ng mga naitalang kaso mula Enero 6 hanggang Abril 5 at Abril 6 hanggang Hulyo 4, kasunod ng pagpapatupad ng *Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Nilinaw ni Co na hindi nangangahulugan ang naturang pagbaba na mas ligtas na ang buong bansa, kundi bahagi lamang ito ng pagsusuri sa datos ng mga naitalang krimen.

Kabilang sa mga focus crime ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at motorcycle theft, na itinuturing na mga krimeng may malaking epekto sa pakiramdam ng kaligtasan ng publiko.

Batay sa ulat ng PNP, bumaba sa 7,883 ang naitalang focus crime sa unang tatlong buwan ng programa mula sa 9,506 kaso sa nakalipas na tatlong buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga rehiyong nagtala ng malaking pagbaba ng focus crime ang MIMAROPA, Negros Island Region, Central Luzon, Western Visayas, Ilocos Region at Northern Mindanao. Iniulat din ng PNP na nakapagtala ang Western Visayas ng dalawang araw na walang focus crime, habang walang naitalang ganitong kaso sa 58 munisipalidad sa Cordillera Administrative Region mula Hulyo 4 hanggang 11.