Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Philippine Army ang kumakalat na larawan sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at teroristang New People’s Army (NPA) sa bulubunduking bahagi ng Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, Philippine Army na ang naturang mga larawan ng napaslang na NPA na kumakalat sa social media ay nangyari noong nakaraang taon sa Negros Oriental.

Ayon kay Pamittan, wala pang inilalabas na resulta sa lehitimong operasyon ng militar dahil nagpapatuloy pa ang hot pursuit operation, katuwang ang Philippine Air Force (PAF) para suyurin ang kabundukan na posibleng pinagtaguan ng mga rebelde.

Tinig ni Capt. Rigor Pamittan, DPAO Chief

Sa inisyal na datos, tinatayang nasa 40 miyembro ng Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley ang nakasagupa ng 501st Infantry Brigade matapos beripikahin ang sumbong mula sa mga residente kaugnay sa presensya ng armadong grupo sa lugar.

Kinumpirma rin ni Pamittan na kasama sa mga nakasagupa ng militar ang mataas na opisyal ng NPA na si “Ka Carl” na posibleng magpupulong para sa kanilang nalalapit na anibersaryo at para i-assess ang kanilang kalagayan dahil sa patuloy na pagsuko ng kanilang mga kasama, bukod pa sa pagkakadiskubre ng mga imbakan nila ng pagkain at armas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa nangyaring engkwentro sa pansamantalang hide-out ng mga rebelde, nagbigay ng close air support ang PAF kung kaya walang naiulat na nasugatan sa hanay ng kasundaluhan habang patuloy na inaalam kung may sugatan sa pwersa ng rebeldeng grupo.