TUGUEGARAO CITY-Nakatakdang iuuwi bukas, Enero 18,2021 dito sa lungsod ng Tuguegarao ang labi ng co-pilot na kabilang sa mga nasawi sa nangyaring chopper crash sa Bukidon, kahapon.

Ayon kay Krichelle Utit Caabay, maybahay ng nasawing co-pilot na si 2nd Lieutenant Mark Anthony Caabay at residente sa bayan ng Enrile, Cagayan, lalapag ang eroplanong pagsasakyan sa labi ng kanyang asawa sa Tuguegarao City Airport, bukas ng umaga na agad dadalhin sa isang punerarya sa lungsod kung saan lalamayan.

Bagamat tubong Palawan si Lt. Caabay, hiniling ni Krichelle sa pamunuan ng Philippine Air force na iburol ng dalawang araw ang labi ng kanyang asawa dito sa probinsya bago iuwi sa hometown nito sa Roxas, Palawan.

Sinabi ni Krichelle na tumawag sa kanya ang isa sa mga opisyal ng PAF na siyang nagkumpirma na kasama ang kanyang mister sa pitong nasawi sa naganap na helicopter crash.

Ipinabatid umano ng pamunuan ng PAF kay Krichelle na batay sa paunang imbestigasyon ay engine failure ang dahilan ng aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkukwento ni Krichelle na bago nangyari ang insidente ay nasabi ng kanyang asawa na nawala niya ang kanilang wedding ring pero agad naman niya umanong sinabi na bibili na lamang siya ng bago.

Nabatid na buwan ng Oktubre nitong nakalipas na taon ikinasal ang dalawa at wala pa silang anak.

Si Lt. Caabay ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) Alab-tala class of 2018 kung saan unang nadeploy sa tactical helicopter room noong buwan ng Mayo nitong nakaraang taon.

Matatandaan, nitong araw ng Sabado nang maganap ang chopper crash sa Barangay Bulunay, Impasugong, Bukidnon kung saan nasawi ang pitong sakay nito na kinabibilangan ng dalawang piloto, dalawang crew, isang sundalo at dalawang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).