TUGUEGARAO CITY-Dumating na sa lungsod ng Tuguegaro ang labi ni 2nd Lieutenant Mark Anthony Caabay na isa sa mga nasawi matapos bumagsak ang sinakyang helicopter sa Bukidnon nitong araw ng Sabado.
Alas dos ng hapon, ngayong araw,Enero 18, 2021,lumapag ang eroplano ng Philippine Air Force sa Tuguegarao City Airport na sakay ang labi ni Lt. Caabay.
Kasama ni Krichelle Utit Caabay, maybahay ni Lt. Caabay na sumalubong sa labi ng kanyang mister ang isa sa mga kapatid ni Caabay na isa ring miembro ng Philippine Navy.
Sa naging panayam kay Krichelle, dalawang araw na paglalamayan ang kanyang asawa dito sa lungsod bago iuuwi sa Roxas, Palawan na hometown ni Lt. Caabay.
Sinabi ni Krichelle na hanggang ngayon ay hindi pumapasok sa kanyang isipin na wala na ang kanyang asawa.
Inilarawan ni Krichelle si Lt. Caabay na isang mabait at responsableng asawa at anak sa kanyang mga magulang.
Matatandaan, nitong araw ng Sabado nang bumagsak ang UH-1H Huey helicopter sa Barangay Bulunay, Impasugong, Bukidnon na magdadala sana ng suplay para sa 8th infantry battalion ng Philippine Army kung saan pito ang nasawi na kinabibilangan ng dalawang piloto, dalawang crew, isang sundalo at dalawang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).