
Maaari pa ring iharap ng defense team ni Vice President Sara Duterte bilang mga testigo sina Colonel Raymund Lachica at Colonel Dennis Nolasco sa impeachment trial, ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.
Ayon kay Escudero, kapwa nakalista sina Lachica at Nolasco bilang common witnesses ng prosecution at defense sa pre-trial order, kaya posible pa rin silang ipatawag ng panig ng bise presidente.
Sina Lachica at Nolasco ay dating chief at deputy chief ng Vice Presidential Security and Protection Group at umano’y naging sangkot sa paghawak at pagpapalabas ng confidential funds ng OVP at DepEd noong pinamumunuan ito ni Duterte.
Noong nakaraang linggo, inihayag ng House prosecution panel na hindi na nito ihaharap bilang mga testigo sina Lachica, Nolasco at Ramil Madriaga, matapos nitong sabihing sapat na ang mga naunang testigo sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Samantala, sinabi ni Escudero na maaari ring ipatawag ng impeachment court sina Lachica at Nolasco kung makita nitong kailangan ang kanilang testimonya matapos ang presentasyon ng ebidensya ng magkabilang panig.






