
Iginiit ni Senator Ping Lacson na wala namang mali sa pagtalakay sa mga panukalang pagbabago sa Senate Rules, kabilang ang usapin ng remote participation, ngunit mali aniya ang pagmamadali sa proseso at paglabag sa umiiral na parliamentary procedures.
Pahayag ito ni Lacson bilang tugon kay Senate President Alan Peter Cayetano kaugnay ng kontrobersiyal na mosyon ni Senator Rodante Marcoleta na amyendahan ang mga patakaran ng Senado upang payagan ang remote participation sa mga sesyon.
Ayon kay Lacson, hindi maaaring isantabi ang committee system ng Senado dahil naipasa na sa Committee on Rules ang mosyon ni Marcoleta para sa masusing pagtalakay.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat “i-fastbreak” o madaliin ang pag-apruba ng mga pagbabago sa Senate Rules dahil kinakailangang sundin ang tamang proseso.
Matatandaang nauwi sa walkout ng minority bloc ang sesyon noong Mayo 26 matapos tutulan ang botohan sa panukalang amyenda, dahilan upang mawalan ng quorum at maadjourn ang sesyon hanggang Hunyo 1, araw ng Lunes.









