Muling nanawagan si Senator Panfilo Lacson na tuluyang alisin ang tinatawag na Leadership Fund o allocables sa pambansang budget, na aniya ay mas masahol pa sa dating pork barrel system.

Ayon kay Lacson, nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga mambabatas na magpasok ng mga proyekto sa budget kahit bago pa ito isumite sa Kongreso para sa deliberasyon.

Iginiit niya na dapat nakikibahagi ang mga mambabatas sa paghahanda ng mga proyekto sa pamamagitan ng local development councils at hindi direktang nakikialam sa budget preparation.

Nabanggit din ni Lacson ang testimonya ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan tungkol sa bilyun-bilyong allocation para sa mga senador. Aniya, hindi awtomatikong nangangahulugan ng maling paggamit ng pondo ang budget insertions, ngunit maaari itong magbukas ng oportunidad para sa pang-aabuso at korapsyon.

Dahil dito, sinabi ni Lacson na dapat nang itigil ang sistemang aniya’y nagbibigay ng pagkakataon sa mga pulitiko na maimpluwensiyahan ang pambansang budget.

-- ADVERTISEMENT --