Iginiit ni President pro tempore Panfilo Lacson na posibleng hindi iisa ang utak sa likod ng umano’y flood control scam, kundi iba’t ibang grupo sa bawat rehiyon o distrito.

Pahayag ito ni Lacson matapos tanungin ni sednator Jinggoy Estrada kung natukoy na ba ang sinasabing mastermind sa isyu. Gayunman, tumanggi ang senador na sagutin ang ilang detalye kaugnay ng ulat ng komite.

Ayon kay Lacson, bawat rehiyon o district engineering office ay maaaring may sariling grupo na sangkot sa anomalya. Aniya, hindi ito kontrolado ng iisang tao kundi pinapatakbo ng organisadong grupo sa loob ng ahensya.

Tinukoy ng senador ang ilang iregularidad sa Department of Public Works and Highways partikular sa Bulacan 1st District Engineering Office, na aniya’y tila pinamumugaran ng sindikato.

Dagdag pa niya, batay sa ebidensya ang kanyang konklusyon at mahirap umanong magkaroon ng iisang utak na makokontrol ang lahat ng regional directors.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi rin sumang-ayon si Lacson na ituring na mastermind si Elizaldy Co, bagamat sinabi niyang may ilang mambabatas na maaaring may impluwensya sa kani-kanilang lugar.

Bahagi ng pahayag ni Lacson ang nilalaman ng partial report ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng imbestigasyon sa flood control projects. Gayunman, hindi pa ito pormal na naisasapubliko dahil kulang pa sa pirma ng mayorya ng mga miyembro ng komite.