
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroon nang Patient Transport Vehicle o PTV ang lahat ng 82 lalawigan sa bansa matapos makumpleto ng pamahalaan ang 100 porsiyentong pamamahagi nito sa bawat lalawigan, lungsod, at munisipalidad.
Sa isinagawang pamamahagi ng mga PTV sa San Fernando, Pampanga, sinabi ng Pangulo na magagamit ng mga lokal na pamahalaan ang mga sasakyan sa libreng paghahatid ng mga pasyente papunta at pabalik sa mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan. Ang bawat PTV ay may mga kagamitang medikal tulad ng stretcher, spine board, wheelchair, blood pressure monitor, first aid kit, oxygen system, gayundin ng mga kagamitang pangkaligtasan.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos, kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, ang pamamahagi ng 34 na karagdagang PTV sa mga lokal na pamahalaan sa Hilaga at Gitnang Luzon. Sa mga ito, walo ang inilaan sa Region II, kung saan tig-dalawang yunit ang ipinagkaloob sa Batanes, Cagayan, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Ayon sa Pangulo, ang susunod na yugto ng programa ay ang pamamahagi ng mga medical transport boat para sa mga isla upang mapabilis ang paglilipat ng mga pasyente. Aniya, idinisenyo ang mga ito upang maisakay mismo ang patient transport vehicle sa bangka kaya hindi na kailangang ilipat pa ang pasyente habang binibiyahe patungo sa ospital.










