
Iginiit ni private prosecutor Lorna Kapunan na dapat maging bukas sa publiko ang lahat ng ebidensyang ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang kontrobersyal na BIR box na naglalaman umano ng tax records ng bise presidente at ng kanyang asawa.
Ayon kay Kapunan, bagama’t pumayag na ang kampo ng depensa na buksan at markahan ang BIR box, tutol ang prosekusyon na isagawa ito sa executive session dahil naniniwala silang nararapat lamang na maging transparent ang lahat ng ebidensya sa paglilitis.
Dagdag pa niya, pinahihintulutan din ng Senate impeachment rules ang mga private prosecutor na magpresenta ng mga testigo sa ilalim ng pangangasiwa ng House prosecution panel. Samantala, nananatiling tutol ang kampo ng depensa sa pagbubukas ng BIR box dahil umano sa usapin ng due process at karapatan sa privacy.










