POSIBLENG makaranas ng dry condition o tagtuyot ang lahat ng probinsya sa bansa pagsapit ng katapusan ng Marso 2027 dahil sa El Niño, ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr.

Sa briefing, sinabi ni Solidum na mula sa pitong probinsyang kasalukuyang nakararanas ng tagtuyot, inaasahang madaragdagan pa ito sa mga susunod na buwan.

Ayon sa weather bureau, dry condition ang tawag kapag dalawang magkasunod na buwan na nakapagtala ng 21 hanggang 60 porsiyentong mas mababang ulan kumpara sa normal.

Binigyang-diin ni Solidum na maaaring maiwasan ang krisis sa tubig kung maayos na pamamahalaan at pagtitipid sa paggamit ng suplay.

Hinimok naman ng DENR ang publiko na magtipid ng tubig, kabilang ang pagsasara ng gripo habang naliligo o nagsisipilyo at pag-iipon ng tubig para sa ibang gamit.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, nagbabala ang Malacañang laban sa panic buying at hinikayat ang publiko na maghanda nang sapat sa epekto ng El Niño.

Pinayuhan din ang publiko na iwasan ang pagtatambak ng bottled water.