Arestado ang isang lalaki matapos umano nitong barilin ang isang sasakyan kasunod ng doorbell prank na ginawa ng ilang Grade 12 students sa Lipa City, Batangas, nitong madaling araw ng Lunes.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office, naganap ang insidente bandang alas-2:30 ng umaga habang dinadala ng mga estudyante ang isang kaklase sa kanyang bahay gamit ang kanilang sasakyan.

Habang naghihintay, pinindot umano ng isa sa mga biktima ang doorbell ng bahay ng suspek, na maaaring nag-trigger ng galit ng suspek. Nang mangamba sa kanilang kaligtasan, agad na pinaandar ng driver ang sasakyan at umalis sa lugar.

Dagdag pa ng awtoridad, lumabas ang suspek mula sa kanyang bahay na may hawak na baril at pinaputukan mula sa likod ang sasakyan.

Ipinagbigay-alam ng mga estudyante ang insidente sa kanilang mga magulang, na agad namang nag-report sa Lipa Component City Police Station.

-- ADVERTISEMENT --

Sa follow-up operation, naaresto ang suspek at nakuha mula sa kanya ang isang Optimus Custom caliber .45 pistol na may isang standard magazine na may dalawang bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lipa CCPS ang suspek at nahaharap sa kasong attempted murder at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.