Arestado ang 26-anyos na lalaki na tinaguriang Top 2 sa mga wanted person sa lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa panggagahasa sa sarili nitong kapatid na menor de edad sa bayan ng Bayombong.

Sa bisa ng Warrant of Arrest na isinilbi ng pulisya, katuwang ang 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company ay matagumpay na naaresto ang akusado na si Mc Jay Cabanit, residente sa bayan ng Villaverde.

Nabatid mula kay PMaj Nova Lyn Aggasid, hepe ng Villaverde PNP na Nobyembre nang nakaraang taon ay nagsumbong sa pulisya ang menor-de-edad na biktima sa paulit-ulit na panggagahasa sa kanya ng nakatatandang kapatid tuwing nasa impluwensya ng alak na nagsimula noong Marso, 2019.

Pinagbantaan umano ng suspek habang nakatutok sa biktima ang kutsilyo na papatayin silang lahat kapag ito ay magsumbong.

Walang inerekomendang piyansa ang korte sa kaso ng suspek na kasalukuyang nasa custodial facility ng Villaverde Police Station para sa dokumentasyon at pagsasa-ayos bago ilipat sa korteng pinanggalingan.

-- ADVERTISEMENT --