Patay ang isang lalaki nang barilin ng isa sa kausap nitong kalalakihan sa Navotas City.
Sinabi ni PCOL Mario Cortes, hepe ng Navotas Police Station, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima na kinilalang si alyas Tisoy.
Ayon kay Cortes, lumabas sa paunang imnbestigasyon, kausap ng biktima ang kinilalang sina alyas Mark Bryan, 24-anyos, construction worker at alyas Antonio, 25-anyos, tattoo artist, kapwa residente ng Barangay Tangos South, nang biglang bumunot ng baril ang isa sa dalawang suspek at pinagbabaril sa katawan ang biktima.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng E-bike matapos ang pamamaril.
Subalit, dahil sa mabilis na pagtugon ng mga pulis, nahuli ang dalawa sa tulong din ng mga residente at sa sinuri ng CCTV footage.
Nakuha sa pag-iingat ng dalawa ang .38 revolver na may dalawang basyo ng bala at tatlong bala sa cyclinder na posibleng ito ang ginamit sa pamamaril sa biktima at ang E-bike na ginamit nila sa pagtakas.
Nahaharap ang dalawa sa kasong murder, habang inaalam pa ang tunay na motibo sa nasabing pamamaril.