Huli ang isang 19 anyos na lalaki sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad kaugnay sa paglabag sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, gayundin sa kasong Grave Coercion (Art. 286 ng Revised Penal Code) kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kagabi.

Isinagawa ang operasyon ng 10:30 kagabi ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 (RACU 2) sa pakikipagtulungan sa PNP Iguig sa pambansang lansangan sa Barangay Carig Norte, Tuguegarao City.

Ayon sa pulisya, nagtangkang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba hanggang sa ito ay tuluyang naaresto sa isinagawang Anti-Criminality Checkpoint ng PNP Iguig sa Brgy. Gammad, Iguig, Cagayan.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamong natanggap mula sa isang 20-anyos na babae, residente ng Santiago City, kaugnay ng umano’y paglabag sa nabanggit na batas.

-- ADVERTISEMENT --

Dinala ang suspek sa Cagayan Valley Medical Center para sa medical examination bago dinala sa kustodiya ng RACU 2.