photo: DENR Cagayan Valley

Pinagbabayad ng P20 milyong bilang multa ang isang lalaki na nahuli dahil sa tangkang pagpuslit ng mga iligal na tinistis na narra sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Ito ay matapos na kasuhan ng paglabag sa Forestry Code of the Philippines ang suspek na si Rnrico Gonzales, 53-anyos at residente ng Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources o DENR Region 2, nadakip si Gonzales habang nagsasagawa ang mga otoridad ng anti-illegal logging at timber poaching operation.

Ayon sa DENR Region 2, ikinarga sa 10 wheeler truck na minamaneho ni Gonzales ang mga nasabat na 207 na piraso ng iligal na nilagareng narra nitong Enero 16.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng ahensiya na pinagbabayad ang suspek ng multa na katumbas ng sampung beses sa halaga ng forest products na nakumpiska.

Napag-alaman na kabuuang 4, 153.03 board feet ang nakumpiskang tinistis na narra kung saan nagkakahalaga ito ng dalawang milyong piso.

Nakasaad sa spot report ng CENRO-Aritao na galing sa Paracelis, Mountain Province ang mga naturang forest products na ibibiyahe sana sa isang consignee sa Brgy. San Miguel, Bulacan

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng CENRO Aritao ang mga nakumpiskang nilagareng narra habang gumugulong ang kaso na naisampa laban sa suspek.