Nasukol ang lalaki na nang-hostage ng dalawang taong gulang na babae sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City kagabi matapos kuyugin ng taumbayan.

Armado ang 41-anyos na suspek ng patalim habang karga ang bata.

Kuwento ng nanay ng bata, nagulat na lang sila nang pumasok sa bahay ang nagwawalang suspek kasama ang asawa nito.

Agad silang pumasok ng kuwarto, at pinapatay nila ang ilaw dahil sa nanghahawi ng itak ang suspek, at kinuha ang kanilang na anak na babae.

Ayon sa ginang, nagawang maagaw ng kanyang asawa ang patalim ng suspek nang masangga nito ang pagtaga, at itinulak niya ang isa niyang anak palabas ng kuwarto.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng ginang na sinunod nila ang utos sa kanila ng suspek para hindi niya saktan ang bihag na anak.

Kabilang na ang pagsakay nila ng jeep papuntang Los Baños, Laguna, kasama ang suspek, at lolo na nagmaneho.

Ayon sa ginang, sinabi sa kanila ng suspek na gusto niyang makapunta ng Los Baños para magbagong-buhay.

Nakasunod ang ambulansiya ng barangay at operatiba ng Holy Spirit Police Station habang binabagtas ng jeep ang Visayas Avenue.

Natapos ang insidente sa isang bahagi ng Quezon Avenue, nang kuyugin siya ng mga tao sa lugar, at nailigtas ang bata.

Nagtamo ng gasgas sa dibdib ang bata, habang ininda naman ng nanay ang panga at dibdib dahil ilang beses daw siyang sinuntok habang tinaga naman sa braso ang tatay ng bata.

Sugatan din ang suspek na napag-alaman na kababata ng tatay ng bata.

Hindi pa rin nagpaawat ang suspek matapos na ipasok sa sasakyan ng mga pulis, kung saan binasag niya ang salamin ng sasakyan.