Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos ang vehicular accident sa bahagi ng Santiago – Tuguegarao road sa Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela noong umaga ng Oktubre 8.
Sangkot sa nasabing aksidente ang isang Mitsubishi Montero Sports at isang pampasaherong bus.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, binabagtas ng SUV na minaneho ng lalaki, 59-anyos, sakay ang kanyang asawa na 58-anyos, ang kalsada patungong Brgy. Villa Magat sa San Mateo, habang nasa kasalungat na direksyon ang bus na papunta sana sa Poblacion ng nasabing bayan.
Aksidenteng nabangga ng SUV ang kongkretong barikada sa ginagawang kalsada sa lugar na nagresulta sa pagpunta nito sa linya ng bus.
Nahagip ng SUV ang kaliwang likurang bahagi ng bus.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang lalaki na dinala ng mga rescuer sa San Mateo Integrated Community Hospital, subalit hindi na umabot ng buhay.
Sugatan din ng misis ng nasabing lalaki na nasa ligtas nang kalagayan.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng bus.