
Nasawi at naputol ang kaliwang paa ng isang 21-anyos na binata matapos masangkot sa isang banggaan sa pagitan ng minamaneho niyang motorsiklo at isang rotavator sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Palca, Tuao, Cagayan noong Hunyo 9, 2025.
Ayon kay PCapt. Jennifer Calluad, deputy chief of police ng PNP Tuao, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na agad nag-ulat ng insidente.
Kinilala ang biktima bilang si JB, binata, at residente ng Tuao.
Minamaneho niya ang isang itim na motorsiklo na walang plaka.
Samantala, ang kabilang sangkot sa aksidente ay isang pulang Yanmar rotavator na minaneho ni Andong, 35-anyos, may-asawa, walang lisensya, at risidente rin ng Tuao.
Batay sa paunang imbestigasyon, patungong silangan ang rotavator habang papuntang kanluran naman ang motorsiklo.
Pagsapit sa interseksyon, lumihis umano sa kabilang linya ang rotavator, dahilan upang bumangga ito sa motorsiklo ng biktima.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala si JB, kabilang ang pagkaputol ng kanyang kaliwang paa.
Agad siyang isinugod sa Nuestra Señora De Piat Hospital para sa unang lunas bago inilipat sa Cagayan Valley Medical Center, kung saan siya binawian ng buhay.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tuao Police Station ang suspek at ang dalawang sasakyang sangkot para sa isinasagawang imbestigasyon.