Patay ang isang lalaki matapos siyang paputukan ng “sumpak,” o improvised na baril ng lalaking kaniyang sinisingil sa Barangay Camaya, Mariveles, Bataan.

Ayon sa pulisya, nag-ugat ito sa paniningil umano ng 44-anyos na biktima sa utang ng suspek na P150.00.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinuntahan ng biktima ang bahay ng suspek para maningil ng utang.

Pero nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa paputukan ng suspek ang biktima.

Ayon sa testigo, may narinig na malakas na ingay ang kapatid ng biktima, at paglabas niya ay nakita niya ang kanyang kapatid na nakahandunsay sa daan.

-- ADVERTISEMENT --

Isinugod naman ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek, habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.