Nasawi ang isang 33 anyos na lalaki matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Kinilala ni PLT Boy Turingan deputy chief of police ng PNP Claveria ang biktima na si Alyas Mar at residente ng Barangay Sto.Tomas sa nasabing bayan.

Una rito ay nakatanggap ng tawag ang kapulisan mula sa isang concern citizen kaugnay sa nangyaring aksidente sa provincial road, Barangay Luzon, Claveria, Cagayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyang binabaybay ng biktima ang provincial road papuntang Norte nang bigla na lamang itong mawalan ng kontrol sa manibela dahilan upang mabangga ito sa isang cemented barrier sa tabi ng daan at nahulog sa canal.

Aniya, dinala pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doctor.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Turingan, maaring nawalan umano ng malay ang biktima nang mahulog sa canal na may tubig.

Napag alaman na wala aniyang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang insidente.