Patay ang isang lalaki matapos magulungan ng pick up ang kanyang ulo sa Brgy. Dalla, Baggao, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Alexander Moreno Sr, na residente sa Guadalupe, Manila habang ang suspek ay si Edmund Balganion, driver at residente naman ng Brgy. Betag Pequeño.
Ayon kay PCAPT Jackelyn Urian, Deputy Chief of Police ng PNP Baggao, bandang alas singko ng umaga ng Abril 8 ng maganap ang insidente kung saan ang biktima ay galing sa bahay ng kanyang pinsan sa barangay Tallang at pauwi na sana ng Manila lulan ng kanyang motorsiklo habang ang pick up na may pasahero at minamaneho ng suspek ay pupunta sa isang pre-nuptial event sa Sicalao, Lasam.
Sinabi ni Urian na isang nagpapastol ng kalabaw ang nakarinig na tila may nabangga ang isang pick up na mabilis ang patakbo kayat agad naman niya itong pinuntahan at doon na tumambad sa kanya ang wala ng malay na si Moreno.
Sa tulong ng CCTV camera na malapit sa lugar ay natukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan at nang puntahan ito sa kanilang bahay ay nabatid na minaneho ito ng kanyang driver na dumalo sa isang pre-nuptial event sa Lasam.
Pinuntahan naman agad ng pulisya ang kinaroroonan ng pick up at batay umano sa pahayag driver at ng mga sakay nito ay nakita nila na natumba sa kanyang motorsiklo ang biktima ngunit hindi nila inakala na nahagip na pala siya ng pick up kayat hindi na sila huminto.
Gayonman, nakahanda naman umanong makipag-usap ang suspek sa pamilya ng nasawing biktima para sa ikakaayos ng kaso.
Sinabi ni Urian na maaaring nasilaw din ang biktima sa liwanag ng ilaw ng kasalubong na pick up kayat nawalan siya ng control na nagresulta upang siya ay matumba sa kanyang sinakyang motorsiklo at bagamat nakasuot ng helmet ay nabasag naman ito matapos madaanan ng gulong ng pick up.
Sa ngayon ay nahaharap naman ang suspek sa kasong Reckless Impridence Resultung to Homicide.