Nauwi sa trahedya ang pagtatalik sa Baguio City matapos na bawian ng buhay ang lalaki na 51-anyos nang bigla siyang nangisay.

Nangyari ang insidente sa loob ng isang lodge sa nasabing lungsod.

Batay sa report ng pulisya, pumasok ang lalaki kasama ang isang babae noong madaling araw ng Martes, July 15.

Sinabi ng babae sa mga awtoridad na kasalukuyan ang kanilang pagtatalik sa kanyang partner nang bigla itong mangisay.

Natakot umano ang babae at tinulungan niya ang lalaki, subalit hindi niya nakayanan ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, humingi ng tulong ang babae sa staff ng lodge, subalit sa kasamaang-palad ay walang nakatulong sa lalaki.

Kasunod nito, kinumpirma ng pamilya ng lalaki sa pulisya na mayroon itong hypertension at diabetes.

Gayunman, hindi pa malinaw kung ang kanyang kundisyon ang direktang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng lalaki.

Samantala, isa ring lalaki ang namatay sa isang hotel sa lungsod kahapon ng umaga, July 16.

Kinilala ang biktima na si Remberto Terceno Ramirez, 55-anyos, tubong Pangasinan, at residente ng Barangay Kayang Hilltop.

Ayon sa ulat, dalawang linggo na umanong bedridden ang lalaki subalit tumangging magpatingin sa ospital.

Nadiskubre na patay na siya nang pumasok ang staff ng hotel sa kanyang silid.