Patay ang isang lalaki sa banggaan ng motorsiklo at Starex van sa Santa Ana, Cagayan.

Kinilala ni PMAJ Ranulfo Gabatin ang biktima na si Frediliti Layug, 64 anyos, residente ng Brgy. Rapuli na sakay ng motorsiklo habang ang driver ng van ay si Ruben Jovellanos Sr., 62 anyos, residente ng Brgy. Tangatan.

Sinabi ni Gabatin na sa imbestigasyon, binaybay ng motorsiklo at van ang pambansang lansangan sa Brgy. Diora-zinungan sa magkasalungat na direksion at nang makarating sila sa pakurbada at pataas na bahagi ng kalsada ay umagaw umano ng linya ang motorsiklo na sanhi ng banggaan.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, maging ang isa pang motorsiklo na sumusunod sa motor ng biktima ay nasagi at natumba.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang tatlo na agad na dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival so Layug.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Gabatin na sa kanilang pagtatanong sa isang nakamotorsiklo, nakita umano niya na pagewang-gewang ang patakbo ng biktima.

Ayon naman sa mga kaanak ng biktima, siya ay nasa ipluwensiya ng nakalalasing inumin nang mangyari ang aksidente.