Nasawi ang isang 51-anyos na lalaki matapos pagbabarilin nang walang kalaban-laban ng dalawang lalaking itinuturing niyang parang sariling mga anak sa Baseco Compound, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Walter Delmo, na nagtamo ng tatlong tama ng bala, kabilang ang isa sa pisngi, madaling araw ng Martes, Agosto 5.

Ayon sa ulat, tinambangan si Delmo habang nakatalikod ng dalawang suspek, na diumano’y nagpanggap pang hihingi ng tawad sa kinakasama ng biktima bago isagawa ang krimen.

Ayon sa pulisya, napag-alamang may matinding galit ang isa sa mga suspek matapos siyang sawayin ni Delmo sa umano’y pangunguha ng barya sa mga computer shop.

Napahiya raw ito sa publiko, dahilan upang planuhin ang pagpatay.

-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa ng mga suspek ang krimen sa pamamagitan ng pagkontrata sa isang gunman kapalit umano ng ilegal na droga.

Nadakip ang parehong suspek sa tulong ng isang testigo, ngunit hindi na narekober ang ginamit na baril.

Nagpositibo rin sa paraffin test ang itinuturong gunman.

Kasalukuyang hawak ng homicide section ng Manila Police District ang dalawang suspek, at nahaharap sila sa kasong murder.

Ayon sa imbestigasyon, posibleng sangkot din sa ilegal na droga ang krimen bilang isa sa mga motibo.

Inaasahang maisasampa ang pormal na reklamo laban sa kanila sa araw ding iyon ng Miyerkoles.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye sa likod ng malagim na insidente.