Tuguegarao City- Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaking pinagbabarili ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo sa bayan ng Rizal, Kalinga.

Kinilala ang biktima na si Alex Gumabay, 32 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Centro 2, Enrile Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PEMSGT Charlee Odan, imbestigador ng PNP-Rizal, pauwi na umano si Gumabay sa Enrile lulan ang kanyang motorsiklo ng pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Brgy. Calaocan,Rizal, Cagayan.

Ayon kay Odan, sinubukan pa ng biktima na tumakbo ngunit sinundan pa rin ito ng dalawang suspek hanggang sa mahulog ito sa palayan.

Nagtamo ng sampung tama ng bala ng calibre 45 sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Gumabay na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

-- ADVERTISEMENT --

Kwestyonable naman sa PNP kung ano ang ginawa ng biktima sa bayan ng Rizal dahil maging ang asawa nito ay hindi rin alam kung bakit nasa lugar ang mister.

Sa ngayon,patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa papamaril maging ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek.