
Patay ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain at hinihinalang binagsakan pa ng bato ang mukha ng kanyang mismong kapatid sa Davao City.
Sugatan din ang kinakasama at kanilang 11-buwang gulang na anak.
Dahil sa matinding pinsala sa mukha ng biktima, halos hindi siya makilala.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen sa bahay ng 34-anyos na biktima sa Barangay Wangan, Calinan district nitong Linggo ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bago mangyari ang brutal na krimen, nag-inuman ang biktima at ang kanyang kapatid na 39-anyos.
Nang umuwi ang suspek pagkatapos ng inuman, nagkaroon sila ng pagtatalo sa kanyang asawa na pinaghihinalaan niyang may lihim na relasyon sa kanyang kapatid na biktima.
Sa takot ng asawa, umalis siya ng bahay kasama ang mga anak.
Umalis din ang suspek at bumalik sa bahay ng kanyang kapatid, at dito na ginawa ang krimen.
Agad na nasawi ang biktima, habang patuloy na nagpapagaling ang mag-ina niya na nadamay sa galit ng suspek.