Sugatan ang isang 29-anyos na lalaki matapos sakmalin ng buwaya sa loob mismo ng hawla nito sa Kabug Mangrove Park sa Siay, Zamboanga Sibugay.

Ayon sa mga nakasaksi, makikita pang binabalibag at tinutulak sa tubig ng buwaya ang biktima habang nagsisigawan ang mga namamasyal sa paligid.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na kusang pumasok sa kulungan ang lalaki matapos niyang akalaing laruan lamang ang buwaya.

Agad na rumesponde ang mga pulis, rescue team, at may-ari ng buwaya upang sagipin ang biktima.

Isinugod siya sa ospital na nagtamo ng sugat sa balikat at binti.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga awtoridad, may bantay naman ang park ngunit hindi inaasahan ang biglaang pagpasok ng lalaki.

Napag-alaman din na may iniindang kondisyon sa pag-iisip ang biktima kaya’t iniimbestigahan pa ang insidente para sa karagdagang aksyon.