Pinaniniwalaang nagpakamatay ang isang lalaki na sinasabing maysakit sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa loob ng kanyang kwarto sa bayan ng Tuao.

Kinilala ang nagpakamatay na si Trinidad Serano, nasa tamang edad, may-asawa at residente ng Brgy Mungo.

Sinabi ni PLT Bernard Guya, imbestigador ng PNP-Tuao na natagpuan ng kanyang anak ang duguang bangkay ng biktima noong madaling araw ng Sabado, June 19 ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni Guya na batay sa salaysay ng anak ng biktima na si Marvin, nagising siya sa malakas na putok ng baril at kalaunan ay nakita niya ang ama na duguan ang leeg at tangan ang isang improvised na baril.

Bandang alas 10:00 ng umaga nang matanggap ng pulisya ang tawag mula sa opisyal ng barangay kaugnay sa pagpapakamatay ni Serano.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa pagtatanong ng pulisya sa kaanak ng biktima ay may iniindang sakit ito sa bahagi ng kanyang tiyan at tuwing umaatake ay kinakabitan siya ng nakahandang oxygen sa kanilang bahay.

Sinabi ni Guya na bago ang pagpapakamatay ay nagpahiwatig din umano ang biktima sa kanyang pamilya na ayaw na niyang mabuhay.

Kumbinsido naman anya ang kaanak na nagpakamatay ang biktima.