Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng isang 24-anyos na lalaki na pumasok at nagpanggap na nurse sa pampublikong ospital sa Tuguegarao City.

Ayon kay PCAPT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP- Tuguegarao na nakasuot ng uniporme ng nurse na may hawak pang stethoscope at dumalo pa sa Monday flag raising activities ng Cagayan Valley Medical Center ang suspek na isang college undergraduate at residente ng Alcala, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, September 8 pa umano ito napansin ng isang empleyado sa Out Patient Department ng ospital ang kaduda-dudang lalaki na naka-uniporme ng nurse gamit ang CVMC logo hanggang sa muli itong makita nitong Lunes.

Nang kumprontahin ng security guard ng ospital ang lalaki kung saang departmento ito naka-duty ay dito na siya nagtaka dahil wala namang pharmacy sa emergency room at wala ring maiprisintang identification card na agad umalis kung kaya inalerto lahat ng mga security guard para ito ay hanapin.

Nakita naman ito sa flag raising ceremony kung kaya muli itong isinailalim sa interogasyon hanggang sa ipinasakamay ng pamunuan ng CVMC sa pulisya ang suspek para sa kaukulang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Taguiam na katwiran ng suspek na mayroon lamang umano itong tutulungang pasyenteng kamag-anak para iproseso ang paglabas nito sa naturang pagamutan na siyang sentro ng imbestigasyon ng pulisya at sa sinasabi niyang dati siyang empleyado ng isang pribadong ospital sa lungsod.

Gayunman, nahaharap pa rin ang suspek sa kasong usurpation of authority na paglabag sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at illegal use of uniform sa ilalim ng Article 179.