
Huli sa CCTV ang isang lalaki na nagpakilalang pari at nagtangay ng cellphone sa Barangay 344, Zone 35, Sta. Cruz, Manila noong March 30 ng hapon.
Ayon sa biktima, nagpanggap ang suspek na bibili ng cellphone na ibinebenta niya online at nakipagkita siya sa isang outreach center sa tapat ng simbahan.
Akala umano ng biktima na totoong pari ito dahil nakasuot pa ito ng barong.
Ayon sa imbestigasyon, nang ilapag ng biktima ang kanyang cellphone sa mesa habang nagsusulat ng kontrata, hindi nila napansin na kinuha ito ng suspek at itinago sa kanyang bulsa bago umalis.
Nang tanungin siya ng isang empleyado kung kilala niya ang suspek, sinabi niyang hindi, at doon na siya nagduda at hinabol ang lalaki pero hindi na niya ito naabutan.
Agad namang nagsumbong ang biktima sa barangay at agad humingi ng tulong sa mga awtoridad para hanapin ang suspek.
Umaasa ang biktima na maibabalik pa ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P74,000 at sana’y gagamitin para sa paghahanda ng binyag ng kanyang pamangkin.
Matapos mag-post ng biktima sa social media, natuklasan niyang may tatlo pang nabiktima ang suspek.
Nagbigay ng paalala ang barangay sa publiko na maging maingat at huwag basta-basta magtiwala sa mga kausap online.