Nasaksak at napatay ng isang 47-anyos na lalaki ang kanyang lasing na nakababatang kapatid dahil sa pagwawala nito sa Brgy Callao Norte, Lasam, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Jeferson Oro, 33-anyos na agad na nasawi dahil sa apat na tama ng saksak sa baba ng kanyang kanang suso.

Ayon kay PCAPT Lionel Asistores, deputy chief-of-police ng PNP- Lasam, kasama ng kanyang kuya na si Jenifer Oro ay magkasamang nag- inuman ang dalawa sa bahay ng biktima bago sila lumipat sa bahay ng kanilang pinsan at nagpatuloy sa pag-inom.

Subalit sa pag-uwi ng magkapatid dakong alas 10:15 ng gabi ay unang nagwala ang biktima at nambato ng mga bagay na makita nito sa harap ng bahay ng kanilang tiyahin ngunit napakiusapan lamang ito.

Ngunit pagdating ng mga ito sa bahay ng kanyang kuya ay muling naghamon ang biktima at ibinato ang mga nakapasong halaman na nasa labas ng bahay na dahil dito marahil kaya nagdilim ang paningin ng suspek kaya niya inundayan ng saksak ang kapatid gamit ang kutsilyo na may habang limang pulgada.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid sa imbestigasyon na sa tuwing nalalasing si Jeferson ay nagwawala ito at mahirap awatin.

Sa ngayon ay inaantay pa ng pulisya ang desisyon ng pamilya para sa posibleng pagsasampa ng kasong parricide laban sa suspek na hawak na ng pulisya.