Nakakulong na ang isang binata na inaresto ng mga otoridad matapos ireklamo ng patung-patong na kaso ng panghahalay sa kanyang sariling menor de edad na pinsan sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Ayon kay PLT Florianne Enriquez ng PNP-Gattaran, dinakip ang hindi na pinangalanang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong statutory rape, 2 counts of rape at acts of lasciviousness.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang panggagahasa ng ngayon ay 26-anyos na suspek noong taong 2015 kung saan 9-taong gulang pa lamang ang biktima.

Magkapitbahay lamang umano ang suspek at ang biktima na nasa pangangalaga ng kanyang lolo at lola dahil hiwalay ito sa magulang habang ang kanyang ina ay nasa ibang bansa.

Taong 2019 naman nang himasin ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng biktima hanggang sa nasundan ang panggagahasa noong Nobyembre 2021 at January 2022 na itinataon ng suspek kung tulog ang kanilang lolo at lola.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nakailang beses na ring nakapagsumbong ang biktima sa kanyang lola at lolo subalit hindi naniwala ang mga ito at ang masama pa ay sinasaktan lamang ito dahil sa akalang gumagawa lamang ito ng kwento.

Marso ngayong taon ng nagpasya ang ngayoy 16-anyos na biktima na umalis sa puder ng kanyang lolo at lola upang lumipat sa bahay ng kanyang tiyahin sa kabilang barangay.

Dito umano napansin ng kanyang tiyahin ang mga pasa ng biktima na dahilan upang dalhin ito sa duktor sa akalang minamaltrato lamang ito hanggang sa umamin ang bata na nagahasa siya ng kanyang pinsan na nagresulta sa pagdadalantao nito at nagsilang nitong buwan ng Oktubre.