TUGUEGARAO CITY-Nagpapagaling na sa pagamutan ang isang lalaki matapos masaksak nang mapagkamalang siya ang kaaway ng suspek sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ayon kay Pmsgt Stephen Pattaui ng Pnp-Baggao, binugbog ng suspek na si Rodel Martinez, 23-anyos kasama ang kanyang mga kaibigan ang anak ni Rodolfo Guzman kapwa residente ng Barangay Bagunot habang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.
Una rito, pinaalis ni Guzman ang grupo ni Martinez na nag-iinuman malapit sakanilang tahanan dahil magpapahinga na ito.
Kusa namang umalis ang grupo ni Martinez ngunit ng kanilang makasalubong ang anak ni Guzman ay kanila itong pinagtripan at binugbog.
Nang malaman ni Guzman ang nangyari sa anak ay kanyang kinumpronta ang suspek.
Sa halip na humingi ng tawad ang suspek ay hinamon nito si Guzman ng suntukan ngunit hindi ito pinansin ni Guzman, lalo na ng kanyang makitang may hawak na kutsilyo ang suspek.
Nagtago si Rodolfo sa madilim na bahagi ng lugar habang naghahamon ng gulo ang suspek.
Nataon naman na napadaan ang biktima na si Gregorio De leon ng kaparehong Barangay nang biglang sinaksak ng suspek.
Nagtamo ng sugat sa tiyan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan.
Samantala, hawak na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.