Sinampahan ng kasong Frustrated Murder ang isang lalaki matapos nitong pagtatagain ang isang tindera sa Brgy. Gabun, Lasam, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Patricia Abubacar, 32 anyos habang ang suspek ay si Roel Orpilla, 30 anyos kapwa residente sa nasabing lugar.

Sa panayam kay PCAPT Rolando Jacobe, Deputy Chief of Police ng Lasam PNP, nang matapos sa pakikipag-inuman si Orpilla sa bahay ng kaniyang tiyuhin ay umuwi na ito at dito niya naalala ang hindi pagkaka-unawaan ng kanyang ina at ni Abubacar.

Dahil dito ay kumuha siya ng itak at agad na nagtungo sa bahay ng biktima para sana ito ay kanyang komprontahin at nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa pinagtataga ni Oripilla si Abubacar sa kanilang mismong tahanan.

Sinabi ni Jacobe na sa pagsisiyasat ng pulisya ay may nauna ng pag-uusap sa barangay ang nanay ni Orpilla at ang biktima dahil sa away sa pagtitinda kung saan sinasabi UMANO ng biktima na madumi ang kanilang panindang street foods na ikinasama naman ng loob ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Abubacar na isinugod sa pagamutan at ngayon ay kasalukuyang nagpapagaling.

Pansamantala namang makakalaya si Orpilla kung sakaling makapaglagak ng P120k na piyansa.