TUGUEGARAO CITY-Sugatan ang isang tricycle driver matapos masaksak nang umawat sa isang kaguluhan sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nang matapos ang inuman ng suspek na si Policarpio Bosi at ang biktima na si Valentino Villanueva, 23-anyos kapwa residente ng Brgy. Abolo sa bahay ng biktima ay inihatid na nito ang suspek sa kanilang bahay.

Habang nasa daan ay may nakasalubong silang dalawang lalaki na nasa impluwensiya rin ng nakalalasing na inumin at naghahamon ng away.

Dahil dito, muling bumalik ang dalawa sa bahay ng biktima, na sinundan naman ng dalawang lalaki.

Kumuha ang suspek ng kutsilyo at hinamon na rin ang dalawa na sanhi ng kaguluhan.

-- ADVERTISEMENT --

Umawat ang biktima kung saan kanyang niyakap ang suspek na sanhi ng kanyang pagkasaksak sa kaliwang bahagi ng tiyan na agad namang dinala sa pagamutan.

Sa ngayon, napagdesisyunan ng biktima na hindi na magsasampa ng kaso pero sasagutin ng suspek ang gastusin nito sa pagpapagamot.