Nagbabala ang LPG Marketers Association na maaaring i-report sa pulisya o sa pinakamalapit na barangay ang mga retailer na magbebenta ng overpriced na 11-kilogram na tangke ng LPG—lalo na kung lalampas sa P1,500 sa Luzon at P1,600 sa Visayas at Mindanao pagsapit ng Abril.

Ayon kay Arnel Ty, founder ng nasabing asosasyon, kasalukuyang nasa P1,350 hanggang P1,400 ang suggested retail price (SRP) ng bawat tangke.

Dahil sa pagtaas ng shipping costs na dulot ng limitadong access sa Strait of Hormuz, posibleng umabot lamang sa P1,450 hanggang P1,500 ang SRP sa Luzon sa susunod na linggo.

Sa Visayas at Mindanao naman, maaaring mas mataas ang presyo ng P100 hanggang P250.

Anumang presyo na lalampas sa P1,600 kada tangke ay itinuturing nang overpriced.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Ty na kahit tumaas ang presyo sa mga susunod na linggo, nakalkula na sa SRP ang kita ng mga retailer kaya hindi nila maaaring sabihing nalulugi sila.

Nauna nang tinaya ng grupo na maaaring umabot sa P1,500 ang presyo ng 11-kilogram LPG tank ngayong Abril dahil sa pagtaas ng shipping costs na may kaugnayan sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Gayunman, nanawagan si Ty sa pamahalaan na huwag magpatupad ng price cap sa LPG, dahil maaari itong magdulot ng kakulangan sa suplay.

Ayon sa kanya, baka matulad ang bansa sa Indian at Vietnam na pumipila at nauubusan ng LPG, dahil mapipilitang hindi na mag-import ang private sector kung wala naman silang kita.