
Binura ni US President Donald Trump ang isang larawan sa social media na nagpapakita umano sa kanya na parang si Jesus Christ, matapos umani ito ng batikos mula sa maraming religious leaders na nagsabing ito ay isang uri ng kalapastanganan o blasphemy.
Ang naturang AI-generated na imahe na ibinahagi sa Truth Social ay nagpapakita kay Trump na nakasuot ng pula at puting kasuotan, na tila ginagamot ang isang may sakit habang may liwanag na nagmumula sa kanyang kamay at ulo.
Makikita rin sa background ang watawat ng Amerika at ilang taong nakatingala sa kanya na parang sumasamba.
Ipinost ang larawan noong Linggo ng gabi at tinanggal kinabukasan.
Nang tanungin tungkol dito, itinanggi ni Trump na layunin niyang magmukhang si Hesus.
Ayon sa kanya, inisip niyang ipinapakita siya bilang isang doktor na tumutulong sa pagpapagaling ng mga tao.
Nagkaroon ng matinding reaksiyon mula sa ilang kilalang konserbatibong Kristiyano na dati niyang tagasuporta.
Isa sa mga kritiko ay si Megan Basham, na nagsabing hindi niya maintindihan kung biro lamang ba ito o may ibang dahilan, at tinawag ang imahe na nakagagalit na kalapastanganan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit si Trump ng mga imaheng may religious theme.
Noong 2023, habang nililitis sa kasong bank fraud, nagbahagi siya ng sketch kung saan ipinapakita siyang katabi ni Hesus sa courtroom.










